Nanawagan si Manila Mayor Joseph Estrada sa Malakanyang na lumikha ng permanenteng solusyon sa problema na may kinalaman sa street dwellers o mga palaboy sa lansangan.
Ito ay sa kabila ng mga akusasyon na itinago umano ng gobyerno ang mga street dweller nang bumisita si Pope Francis sa bansa noong Enero at nito lamang katatapos na Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Leaders Meeting.
Ayon kay Estrada, sa halip na ‘band-aid solutions’ o pansamantalang solusyon sa problema, mas mabuti aniya na lumikha ng permanenteng solusyon na maaaring makatulong sa mga street dweller.
Naniniwala si Estrada bilang naging dating pangulo ng bansa na bahagi ng kanilang mandato ang pangalagaan at tulungan na magkaroon ng maayos na buhay ang mamamayan.
Isang halimbawa aniya ng mga ‘band-aid’ solution ang umano ay ginagawang pagtatago ng gobyerno sa mga street dweller tuwing may mahahalagang pangyayari sa bansa.