Mga senador, congressmen at DBM, magkakamukha! sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo

Hindi ko malaman kung maiinis ako o magmumura sa nangyayaring “stand-off” ng Senado, House of Representatives at Malakanyang sa P3.757 national budget 2019. Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, kung hindi malulutas, ang mangyayaring “reenacted budget” ay sisira ang ekonomya.

Iba’t ibang terminolohiya ang ginagamit sa pork barrel projects, “line-item appropriations” o “budgetary allocation” ang tawag ng mga kongresista. Sa mga senador ay “institutional amendments” o ‘fund insertions.” Ang Malacañang sa pamamagitan ni DBM Sec. Benjamin Diokno ay “parked funds” sa DPWH, DTI, PNP, DEPED at iba pa.

Nagliliparan ngayon ang mga akusasyon. Ang sabi ng mga senador, bawat kongresista ay meron daw tig-P160M na Pork barrel projects. Sagot ng mga kongresista, bawat senador ay merong tig-P7B na “pork barrel” nsa kabuuang P190-B “realignment” nito sa ibat ibang ahensya. Pati si Senador Ping Lacson ay meron ding P50B “institutional amendments” na umano’y walang “itemized list of expenditure”.  Ayon naman kay Lacson, P14B dito ay para sa pagbuo ng bagong Armed Forces brigade.

At dahil hindi magkasundo, naghamon si Senate President Tito Sotto na gawing “reenacted budget” na lang ang 2019. Pero, ang Malakanyang, nagdeklara na kailangang iwasan ito. Unang-una, kailangan ng budget para sa May elections bukod pa sa mga alokasyon para sa Build Build Build projects.

Kaya, asahan ngayon ang “one for you-one for me” sa Bicameral conference committee” ng mga senador at kongresista sa mga susunod na araw. Bawat panig siyempre ay ipipilit ang kanilang “pork barrel”.  Tandaan natin. tig-P7B sa bawat senador at tig-P160M sa bawat kongresista. Isama pa natin diyan ang “parked funds” ni DBM Sec. Diokno at Malakanyang.

At tuad ng dati, siguradong magkakasundo ang dalawang panig kasama na ang Palasyo. At ang masakit, ang pinagpipistahan nila ay mga “taxes” na dugo’t pawis ng nagtatrabahong mga Pilipino.

Masakit talaga sa bayan, dahil maliwanag na ipinagbawal na ng Korte Suprema ang lahat ng uri ng “pork barrel” lalo na ang pakikialam ng mga kongresista at senador sa mga “bidding” ng kanilang mga “pet projects”, pero sa halip na mabawasan, parang lumala ito sa Duterte administration.

Isipin ninyo, nagbangayan noon pang Disyembre at nabulgar sa publiko ang mga “baho” ng mga kongresista, mga “senador” pati DBM. Nagmatigasan ang mga inihalal nating mararangal na “congressman,” “senador” at Cabinet members na kahit Malakanyang ay hindi na pinakinggan.

Maliwanag ang mga motibo. Kung lumusot ang “line item appropriation” ng bawat Kongresista na tig P160-M, meron silang kickback na tig P16M sa 10 percent. Siyempre, may mga House officials na higit P1-B ang alokasyon, na siyempre mas Malaki ang kita. Sa mga senador, 10 percent ng tig-P7-B na “institutional amendments” ay tig-P700M sa 10-percent na komisyon. Pati, executive branch tulad ng DBM, nagpapa-bidding na rin. At nito ngang 2018, halos P198-B contracts kasama ang P168-B DOTR projects ang isinagawa nila. Hindi dapat ay DOTR ang magbi-bidding dito lalo’t sila ang “end user” o gagamit ng mga proyekto?  Bakit DBM? Tingin niyo ba wala ritong “komisyon” sa DBM?

Sa totoo lang, napatunayan natin magkakamukha silang lahat  pagdating sa serbisyo publiko. Mga Senador, Congressman, at DBM, lahat sila mga “mukhang pera.”

Read more...