Pero ayon kay Año, kinukumpirma nila ang naturang impormasyon kasunod ng una nitong pahayag na base sa intelligence report ay Indonesian suicide bombers sa ilalim ng Abu Sayyaf Group ang nasa likod ng pagbobomba.
Binanggit ng kalihim ang dalawang pares ng paa na narekober na walang nagki-claim at walang identity kaya posibleng sa suicide bombers ang mga ito.
Tutulong anya ang Indonesian government para makilala ang sinasabing mga suicide bombers.
Paliwanag ni Año, may mga source sila sa loob ng organisasyon, may na-interview na mga hostage na hawak ng grupo na ngayon ay nakalaya na at ang nangyari sa Jolo ang nagkumpirma na suicide bombing ang nangyari.
Gayunman, kinukumpirma pa anya ang anggulo na ang pagsabog sa simbahan ay ginawa ng mga dayuhan na may intensyong pasiklabin ang hidwaan sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano.
Kaya anya piniling pasabugin ang simbahan ay para pag-awayin ang mga Kristiyano at Muslim.