Heart relic ni St. Camillus darating na sa bansa ngayong araw

Nakatakdang dumating ngayong Sabado sa bansa ang heart relic ni St. Camillus de Lellis, patron ng mga ospital, nurses, doctors at may mga sakit.

Paglapag sa Villamor Airbase ay dadalhin na ito sa Our Lady of La Paz Parish sa Makati City bilang simula ng pag-iikot nito sa buong Pilipinas.

Nauna nang sinabi ni Camillians Philippines provincial superior Rev. Fr. Jose Eloja na isang pambihirang oportunidad ang pagbisita ng incorrupt heart ng pinipintakasing santo.

Umaasa si Eloja makatutulong ang pagbisita ng relic para palakasin pa ang pananampalataya ng mga Filipino sa Diyos.

Bukod sa mga parokya, basilica at cathedral, bibisitahin din ng relic ang ilang key hospitals sa Metro Manila kabilang ang Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, Kidney Institute, at East Avenue Medical Center.

Mayroong dalawang buwan ang mga deboto para pagpitaganan ang relic dahil magtatagal ito sa bansa hanggang sa March 31.

Matatandaang noong nakaraang taon, dinagsa ng milyun-milyong deboto ang heart relic ng isa pa sa sikat na Santo ng Simbahang Katolika na si Padre Pio ng Pietrelcina.

Read more...