POE: MAKAKATAKBO BA O HINDI? – ‘Wag kang Pikon’ ni Jake Maderazo

JAKE MADERAZO“Pilipino si Grace Poe, pero hindi siya natural-born kaya’t hindi siya kwalipikadong maglingkod bilang Senador ng bansa”.

Ito ang nilalaman ng “dissenting opinion” ng tatlong mahistradong miyembro ng Senate Electoral Tribunal, sina Associate Justice Antonio Carpio, Teresita de Castro at Arturo Brion.

Pero sa botohang 5-4, nanalo pa rin ang panig ni Poe kung saan sina Senador Sotto, Legarda, Cayetano, Bam Aquino, Villar maliban kay Nancy Binay, sa pinagtatalunang “political decision” ng S-E-T.

Ayon sa mga senador, ang boto nila ay bilang pagkampi sa karapatan ng isang “foundling”. Dahil sa resulta ng botohan, mananatiling senador si Poe. At ang hinihintay na lang ay ang “motion for reconsideration” na isasampa ng complainant na si Rizalito David at ang posibleng pag-akyat nito sa Korte Suprema.

Habang nakabitin ito, ang “presidential qualifications” naman ni Poe ang dedesisyunan ng Comelec, kung saan tatlo sa mga complainants ay mga batikang abugado, sina Dean Amado Valdez, Prof. Antonio Contreras, at dating GSIS counsel Atty. Erlinda Elamparo bukod pa kay dating Senador Fransisco Tatad. Ayon kay Tatad, hindi raw kandidato ng Konstitusyon si Poe at magkakasala ang Comelec kapag pinayagan itong tumakbo dahil hindi siya natural born.

Si Elamparo naman ay nagsabing nagsinungaling si Poe sa COC bukod pa sa depektibo ang natural born citizenship nito at kung naturalized man siya ay noon lamang 2006 nang bumitaw siya sa pagiging American citizen. Si Prof. Contreras naman ay nagsabing kulang sa 10 year residency si Poe na kailangan sa posisyon ng Presidente sa Saligang batas. Pwede lang magamit ni Poe ang “domicile” issue sa July 18, 2016 o kulang ng isat kalahating buwan sa requirement. Ayon naman kay Dean Valdez, kahit sabihing “natural born” si Poe, nawala na ito nang i-renounce niya ang Filipino citizenship at naging Amerikano noong 2001.

Pero ang bola ngayon ay nasa 7-man Comelec (5 umano dito ay may koneksyon sa LP) na magpapasya kung ibabasura ang certificate of candidacy ni Poe sa harap ng limang reklamo. Ang nais ni Chairman Andres Bautista ay i-consolidate o pagsamahin ang lahat ng reklamo para mas mabilis ang desisyon. Pero, kumokontra ang mga complainants .

Sa panig naman ni Poe na Senate topnotcher na may 20-M votes noong 2013 elections, ang lahat ng ito’y political harassment lamang at maitim na balak ng mga kalaban niya para pigilan siyang manalo. Lalo na’t sa latest survey, 39 pts siya, 24% si Binay, 21% si Roxas at 11% lang si Miriam . At ang pagwawagi niya sa Senate Electoral Tribunal ay patunay na siya ay kwalipikado bilang Senador, at maging sa pagka-Pangulo ng bansa. Pero, pumasok na naman si Davao city Mayor Digong Duterte, isa ring abugado, at nagsabi na si Poe ay meron lamang “presumptive natural born citizenship” at dahil ayaw niyang magkaroon ng “American President”, siya ay tatakbo na raw sa May 2016.

Lahat ng mga pangyayaring ito ay nag-iiwan ngayon sa atin ng napakalaking “question mark” na wala pang tiyak na kasagutan. Makakatakbo ba si Grace Poe bilang Pangulo? Korte Suprema ang susi. Pero dito sa botohan sa SET, 3-0 na agad si Poe. Pero, magreretiro o “pinagretiro” na raw si Justice Martin Villarama kahit wala pang 70 years old. Kapag nagkataon, anim na ang appointees ni Pnoy sa 15 member-SC. Ano ang epekto nito sa kaso ni Poe? Abangan at talakayin natin sa susunod na kolum.

Read more...