Nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa publiko na lumahok sa magaganap na prayer-march sa November 29, isang araw bago ang Global Climate Change talks sa Paris.
Ito ay para himukin ang mga global leader na pakinggan ang “moral imperative” ng ating bansa sa usapin ng climate change.
Sa isang post sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) News site, hinikayat ni Tagle ang publiko partikular na ang iba’t ibang communities ng Archdiocese of Manila na sumama sa Metro Manila-wide Climate Solidarity Prayer March.
Sa pangunguna ng iba’t ibang Catholic community, layon ng pagtitipon na maipakita ang pagkakaisa ng halos milyong-milyong katao na inaasahang manggagaling pa sa mahigit dalawang libong lungsod sa iba’t ibang panig ng bansa para sa isang Global Climate March.
Ayon pa kay Tagle, makikiisa rin sa naturang pagtitipon ang Global Catholic Climate Movement (GCCM) na inaasahang mag-aabot sa mga world leader ng petisyon na magpapababa sa greenhouse gas emissions.
Bukod sa Manila, magsasagawa rin ng naturang prayer-march sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas kabilang na ang Antipolo City, Baguio City, Baler, Cagayan de Oro City, Cebu City, Ibaan (Batangas), Imus City, Jaro (Iloilo), Las Piñas City, Mandaluyong City, San Fernando (Pampanga) at Tuguegarao City.
Una nang nanawagan ang CBCP sa publiko na tumulong sa paglaban sa global warming sa pamamagitan ng tree planting, plastic banning, waste segregation, pag-promote ng renewable energy at paggamit ng energy-efficient appliances.