Nais ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sampahan ng reklamo ang mga jaywalkers na hindi makakapagbayad sa multa o hindi kaya ay makagagawa ng community service.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, makikipag-ugnayan din sila sa National Bureau of Investigation (NBI) para lagyan ng ‘hit’ ang records ng mga jaywalkers.
Ani Garcia, ini-request nila ngayon sa local government units ang pag-deputize sa MMDA sa mga ordinansa tungkol sa jaywalking.
Ibig sabihin anya nito, sakaling may mahuli dahil sa jaywalking at hindi nagbayad ng multa o hindi nagcommunity service, kakasuhan na ang jaywalkers ng paglabag sa local ordinance.
Ang resolusyon ng MMDA para sa uniform anti-jaywalking ordinances ay naaprubahan na at magiging epektibo makalipas ang 30 araw.
Matapos ito ay magsisimula na ang MMDA sa pagsasampa ng reklamo laban sa mga pasaway na jaywalkers.