Tiniyak ni Appropriations Committee Chairman at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na aprubado na ang 2019 national budget sa February 6.
Sa bicameral conference meeting araw ng Miyerkules kasama ang Senado, pinabulaanan ni Andaya ang pinalulutang na reenacted budget para sa taong ito.
Sa meeting kahapon, ipinaliwanag ng dalawang kapulungan ang kanilang panukalang amyenda para sa P3.75 trillion national budget.
Aabot sa P189 bilyon ang panukalang pagbabago ng Senado sa budget habang ang Kamara naman ay umabot sa P51 bilyon.
Ikinatuwa ni Andaya na pwede naman palang magkaintindihan ang dalawang kapulungan tungkol sa budget.
Ang deadline na February 6 para sa national budget ay ang huling araw ng sesyon bago ang campaign break ng mga mambabatas.