Sec. Soliman, pikon na sa mga paratang na itinatago nila ang mga street dwellers

dinkyrally
Inquirer file photo

Masama ang loob ni Social Welfare Sec. dinky Soliman sa mga nag-aakusa na sadyang itinatago nila ang mga pulubi na nakatira sa mga lansangan sa tuwing may international event na nagaganap sa bansa.

Sa kanyang pagdalo sa Araw ng Kabataan na ginanap sa lungsod ng Maynila, inamin ni Soliman na napipikon rin siya sa mga paratang na itinatago ang mga pulubi para maitago ang tunay na kalagayan ng bansa.

Sinabi ni Soliman na kahit ano ang gawin ng pamahalaan ay hindi nila kayang itago ang tunay na sitwasyon ng mga mahihirap sa bansa.

Inamin din ni Soliman na umaabot sa 70-families ang kanilang inalis sa kahabaan ng Roxas Blvd. habang ginaganap ang APEC summit sa bansa pero magtutuloy-tuloy daw ang kanilang kampanya para tulungan ang mga taong-lansangan.

Noong dumalaw sa bansa si Pope Francis noong buwan ng Enero, sinabi ni Soliman na umabot sa isang-daan katao ang dinala nila sa isang resort sa Batangas hindi para magbakasyon kundi para sumailalim sa seminar kung saan ay ipinaliwanag sa kanila ang mga programa ng gobyerno.

Dagdag pa ni Soliman, “Yung pambabatikos nga na tuwing may national event, inaakusahan kaming itinatago namin ang mga bata, pero kapag ginagawa naman namin ito na walang national event, hindi kami kinikibo”.

 

Read more...