Masaya ang French government sa pagbibigay ng go signal ng United Nations Security Council sa lahat ng bansang kasapi ng U.N na maglungsad ng opensiba laban sa ISIS saan mang panig ng mundo.
Sinabi ni French Foreign Minister Laurent Fabius na welcome ang nasabing pahayag ng U.N para magtulungan ang ibat-ibang mga bansa na biktima ng karahasan ng nasabing grupo.
Ang ISIS ang sinasabing nasa likod ng madugong terror attack sa Paris noong isang linggo na ikinamatay ng 129 katao.
Bukod dito, sinabi rin ni Russian Leader Vladimir Putin na kailangan ang pagkakaisa para durugin ang grupong ISIS, ISIL, na kilala rin sa Iraq at Syria bilang Daesh.
Sa naganap na Paris attack, lumitaw sa imbestigasyon ng U.N Security Council na ang napatay na mastermind na si Abdelhamid Abaaoud ay isang Moroccan national na sinanay sa Syria.
Si Abaaoud ay isa lang sa maraming ISIS members na itinalaga bilang operatiba ng grupo na mag-ooperate sa European region base sa mga nakuhang intelligence report ng French government.
Kanina lamang ay inilagay sa full alert status ang kabuuan ng Brussels Belgium makaraang makakuha ng report ang mga otoridad doon na sasalakay ang ISIS.
Pinayuhan ang mga commercial establishments na magsara ng maaga at ang mga tao naman ay pinagsabihang manatili sa loob ng kanilang mga tahanan.
Nauna dito ay tumanggap din ng kahalintulad na pagbabanta ang ilang lugar sa U.S kabilang na ang New York.