Patay ang dalawa katao habang sugatan ang apat na iba pa matapos pasabugan ang isang mosque sa Barangay Talon-talon, Zamboanga City madaling araw ng Miyerkules.
Ayon kay Col. Leonel Nicolas, commander ng Joint Task Force Zamboanga, naisugod pa sa pagamutan ang mga biktima ngunit nasawi din dahil sa tindi ng pinsalang natamo.
Ang mga biktima na natutulog lamang nang maganap ang pag-atake ay pawang mga Muslim religious leaders mula sa Basilan at mga karatig-lalawigan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang nagpasok ng granada sa loob ng mosque pasado alas-12:00 ng hatinggabi.
Ayon kay Zamboanga City Police Office director Sr. Supt. Thomas Joseph Martir, agad na tumakas ang mga suspek.
Sa isang tweet, sinabi ni Philippine Red Cross (PRC) chairman Sen. Richard Gordon na nagpadala sila ng medical teams sa lugar.
Ang mga biktima ay isinugod sa Zamboanga City Medical Center.
Ang pagsabog sa Zamboanga City ay ilang araw lamang matapos ang malagim na pagbomba sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral noong Linggo na ikinasawi ng 21 katao.