Dinala sa presinto ng mga tauhan ng Makati City police ang French urban climber na si Alain Robert.
Ito ay matapos na akyatin ni Robert ang GT Tower sa Makati na nagdulot ng tensyon at pagka-alarma sa mga nagtatrabaho sa lugar.
Sa panayam ng Inquirer.net kay Makati Police Chief Rogelio Simon, nagdulot ng takot at alarma si Robert sa ginawa nitong pag-akyat.
Ito ang unang pagkakataon na umakyat ang 56 anyos na si Robert sa isang gusali sa Pilipinas.
Ang GT Tower na kaniyang inakyat ay may taas na 712.93 foot at ika-siyam sa pinakamataas na gusali sa bansa.
Bagaman ligtas na nakaakyat at nakababa si Robert sinabi ni Simon na walang permit ang ginawa niyang pag-akyat sa gusali.
Sa mga nagdaang pag-akyat ni Robert sa mga gusali ibang mga bansa ay nadakip na rin siya ng mga otoridad.
Sa London, inaresto siya noong nakaraang taon dahil sa pag-akyat sa Heron Tower.