“Mga pumugot sa Malaysian national sa Sulu mananagot sa batas”. – PNoy

Aquino
Inquirer file photo

Ipinag-utos ni Pangulong Noynoy Aquino sa pamunuan ng Philippine National Police at Armed forces of the Philippines na lalo pang paigtingin ang paghahanap sa mga miyembro ng Abu Sayyaf na nasa likod ng pagpugot sa isang Malaysian national.

Nauna dito ay mismong si Malaysian Prime Minister Najib Razak ang nagsabi na dapat managot sa batas ang mga may kagagawan ng pagpugot sa kanyang kababayan.

Si Pangulong Noynoy Aquino ay kasalukuyang nasa Malaysia kaugnay sa 27th ASEAN Summit.

Kanina, sa kauna-unahang pagkakataon ay kinumpirma ng Malacanang ang pagpugot sa biktimang si Bernard Then Ted Fen na dinukot noong buwan ng Mayo sa Sabah Malaysia.

Noong Martes ay isang pugot na ulo sa Sulu ang sinasabing natagpuan pero hindi kaagad ito kinumpirma ng AFP na ulo nga ito ng dinukot na biktima.

Sa pagsisimula ng ASEAN Summit ay muling inulit ni Razak ang kanyang panawagan sa pamahalaan na papanagutin ang mga miyembro ng Abu Sayyaf.

Muli ring binatikos ng Malaysian leader ang mga nasa likod ng terror attack sa Paris at sa mga nanghostage ng mga guests sa Radisson Blu Hotel sa Balmako Mali.

Read more...