Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, iniimbestigahan na ng mga otoridad ang naturang suspek.
Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) chief Director Oscar Albayalde na tinutugis din ng mga imbestigador ang isang grupo na nasa likod ng pagpapasabog, base sa impormasyon na natanggap nito mula sa provincial director ng Sulu.
Mayroon anyang ilang threat groups sa lalawigan kaya tiyak ni Albayalde na hindi nagtrabahong mag-isa ang suspek.
Dagdag ni Albayalde, malaki ang ginamit na pampasabog dahil umabot ng ilang talampakan ang shrapnel ng mga bomba mula sa lugar ng pinagsabugan.
Maaari anyang pinasabog ang bomba mula sa cellphone batay sa timing ng pagsabog.
Ang unang pagsabog sa Cathedral of Our Lady of Mount Carmel ay dakong 8:58, Linggo ng umaga na sinundan ng isa pa makalipas ang 12 hanggang 15 segundo.
Tinitingnan din anya ng mga imbestigador ang posibleng kapabayaan ng militar at pulisya sa pag-secure sa lugar bago ang pagsabog.