Mariing kinondena ni Police Director Guillermo Eleazar, regional director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagbomba sa isang katedral sa Jolo.
Kasabay nito, umapela si Eleazar sa publiko na maging mapagbantay pero huwag mabahala at mag-panic.
Itinaas naman ng NCRPO sa full alert status ang buong pulisya sa buong Metro Manila. Ito ay para magamit ang lahat ng resources ng NCRPO para mapigilan ang anumang balaking masama sa Metro Manila.
Sa mga susunod na araw, mas palalakasin ng NCRPO ang kanilang mga checkpoint at Oplan Sita. Magdaragdag din sila ng mga pulis sa mga matataong lugar gaya ng mga mall at mga eskwelahan, restaurant at simbahan.
Dahil dito, humingi ng pasensiya si Eleazar sa publiko kung maaabala sa paghihigpit na ipapatupad nila.
Samantala, nag-ikot naman si Eleazar sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para tignan ang seguridad na pinaiiral sa lugar.