New Zealand, magdo-donate ng P159-M sa Philippine Red Cross

PRC
FB/Gwen Pang

Magbibigay ang pamahalaan ng New Zealand ng donasyong nagkakahalaga ng P159-milyon sa Philippine Red Cross (PRC).

Ito ang inanunsyo ni New Zealand Prime Minister John Key sa inagurasyon ng bagong logistics and training center ng Red Cross sa Mandaluyong City.

Nasa likod lamang ng kanilang National Headquarters ang nasabing bagong logistics and training center at ito ay paglalagakan ng mga relief goods at iba pang mga kagamitan.

Magsisilbi din itong training at multi-purpose activity center.

Ayon kay PRC Chairman Richard Gordon, nagsimula ang mabuting relasyon at tulungan sa pagitan ng New Zealang at Philippine Red Cross bago pa man dumating ang super bagyong Yolanda.

Mas nakita pa nila aniya ang kahalagahan ng kanilang pakikipagtulungan sa isa’t isa nang mapagtanto nila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga logistic warehouses sa iba’t ibang lugar para sa mas mabilis na pag-responde sa panahon ng sakuna.

Simula pa noong 2013, tinutulungan na ng New Zealand Aid Program sa ilalim ng New Zealand Ministry of Foreign Affairs and Trade (NZMFAT) ang PRC sa retrofitting ng mga strategic warehouses para mas mapabuti ang pagtulong nito sa mga nangangailangan.

Layon din ng kasunduan sa pagitan ng dalawa na mas pataasin ang kalidad ng training, pati na rin ang pagiimbak at paghahanda ng mga kagamitan tulad ng mga tulugan, kitchen sets, hygiene kits at iba pang ipinamamahagi sa panahon ng sakuna.

Una nang natapos ang retrofitting ng mga strategic warehouses ng PRC sa Cebu, Laoag at Subic habang inaasahang matatapos na bago mag-2016 ang nasa Batangas, Cagayan de Oro at Mandaluyong City.

 

Read more...