Abu Sayyaf at ISIS, nag-deploy ng suicide bombers sa Kuala Lumpur at Sabah

malaysia 2Totoo ang laman ng nag-leak na police memorandum sa Malaysia na nagsasabing mayroong mga suicide bombers sa Kuala Lumpur at Sabah.

Kinumpirma ito ni Malaysian police Inspector General Khalid Abu Bakar sa isang reports ng online news portal na Malaysiakini, kasabay ng pagsisisi sa pag-leak ng nasabing impormasyon.

Ayon sa nasabing memo, nagtalaga ang Abu Sayyaf at Islamic State in Iraq and Syria o ISIS ng 10 suicide bombers sa Kuala Lumpur at 8 sa Sabah, kaya mas pinaigting ang pagpapatrulya ng mga pulis.

May petsang November 16 ang naturang memo na nag-ugat sa isang report mula sa Sabah police at intelligence information na nakuha mula sa pagpupulong at pagpaplano ng mga teroristang mula sa Abu Sayyaf, ISIS at Moro National Liberation Front.

Naganap umano ang pagpupulong sa Sulu noong Linggo at dinaluhan ng 14 na pinuno mula sa tatlong nasabing organisasyon at 50 armadong miyembro ng Abu Sayyaf.

Nakabuo ng ilang resolusyon ang naganap na pulong, kabilang na ang pagrerecruit ng bagong mga miyembro at pagde-deploy ng mga kasapi ng Abu Sayyaf at ISIS sa Kuala Lumpur at Sabah.

Nakasaad din sa lumabas na report na tatlong suicide bombers ang sumailalim sa military training sa Syria, Afghanistan at Iraq na handa nang tumanggap ng utos mula sa kanilang mga pinuno para maglunsad na ng mga pag-atake at pambo-bomba.

Noong Martes lamang ay pinugutan ng ulo ng mga Abu Sayyaf ang bihag nitong Malaysian, na mariin namang kinondena ni Malaysian Prime Minister Najib Razak.

Read more...