‘World Youth Day’ dinala ni Pope Francis sa mga kabataang bilanggo sa Panama

Binatikos ni Pope Francis ang anya’y pader na binuo ng lipunan laban sa mga bilanggo.

Nagsagawa ng isang penitential liturgy ang Santo Papa sa Las Garzas de Pacora detention center sa Panama, isang pasilidad para sa mga nagkasala sa batas kabilang ang mga kabataan.

Suot-suot ng mga bilanggo ang World Youth Day T-shirts na simbolo ng kanilang pakikiisa sa libu-libong pilgrims mula sa iba’t ibang bansa.

Sa kanyang homilya, iginiit ni Pope Francis na kahit mga bilanggo ay may karapatang bigyan ng dignidad at pag-asa tulad ng tinatamasa ng lahat.

Ani Pope Francis, dapat bigyang oportunidad ang mga taong nagkakasala na magbago.

“This attitude spoils everything, because it erects an invisible wall that makes people think that, if we marginalize, separate and isolate others, all our problems will magically be solved,” ayon kay Pope Francis.

Ang pagpayag ng lipunan na pairalin ang diskriminasyon sa mga masasama ay magreresulta lamang anya sa kawalan ng pagkakaisa, pagsisisihan at pagkondena.

Ayon kay Luis Oscar Martinez, isa sa mga bilanggo, walang kahit anong salita ang makapagsasalarawan sa kalayaang kanyang nararamdaman sa pagbisita ng Santo Papa.

Tradisyon na ni Pope Francis na bumisita sa mga bilanggo sa kanyang mga foreign visits upang maabot ang mga napag-iiwanan sa lipunan.

Magtatagal ang Santo Papa sa Panama hanggang bukas, January 27.

Read more...