Bilang ng namatay sa Mali attack, umabot na sa 22

Bamako Map(update) Hindi bababa sa 22 katao ang naideklarang patay sa hostage taking na naganap sa Radisson Blu Hotel sa Bamako, Mali ayon sa isang security minister.

Ito ay makaraang salakayin ng nasa 10 armadong kalalakihan ang nasabing hotel at nagsisigaw ng “Allahu Akbar” o “God is great” bago pinaputukan ang mga guwardya ayon kay Malian army commander Modibo Nama Traore.

170 katao ang na-hostage sa loob ng hotel kabilang na ang 140 na guests at 30 na staff.

May report din na anim sa mga nabihag ay pawang mga empleyado ng Turkish Airlines habang labing dalawa naman ay empleyado ng Air France at pawang nanunuluyan sa hotel.

Lima sa mga empleyado ng Turkish Airlines ang ligtas na at ang 12 Air France employees ay nakalaya na rin.

Idineklara na rin ng Malian security officials na wala nang hawak na mga bihag ang mga hostage takers sa hotel, at na dalawa sa mga gunmen rin ang napatay.

Ang dalawang nasabing namatay na gunmen ay bukod pa sa 22 bangkay na narekober mula sa pinangyarihan ng insidente.

Bagaman hindi pa kumpirmado, isang African jihadist group na Al-Mourabitoun na konektado rin sa Al-Qaeda ang nag-post sa Twitter na umaakong sila ang nasa likod ng nasabing pag-atake.

Nagpadala rin ng mga tauhan ang French Special Forces at US Special Forces para tumulong na kontrolin ang sitwasyon.

Read more...