Hindi naitago ni National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar ang pagkadismaya sa isang opisyal ng Makati Police na nahuli dahil sa pangingikil sa mga habal-habal driver.
Ang suspek ay kinilalang si SPO4 Danilo Paghubasan, deputy commander ng PCP 9 ng Makati City Police Station.
Naaresto si Paghubasan sa entrapment operation sa PNP Counter Intelligence Task Force dahil sa pangongotong ng P15,000 mula sa isang habal-habal driver sa Taguig.
Ayon kay Eleazar, SPO4 na o mataas na ang posisyon ni Paghubasan at malapit nang magretiro. Bukod dito ay nadoble pa ang sweldo pero isa aniyang malaking kahihiyaan sa kanyang pamilya ang ginawa niya.
Ani Eleazar, “anong klaseng pag-iisip mayroon ang mga yan!”
Sinabi niya pa na mayroong mahigit 28,000 na miyembro ang NCRPO subalit ang kalokohan ng isa ay may malaking epekto sa kanilang buong organisasyon.
Kailangan itong tanggapin, ani Eleazar, pero hindi umano mahihiya ang NCRPO na ilantad ang mga kalokohan ng kanilang mga kasamahan.
Tuluy-tuloy din ang internal cleansing ng NCRPO, upang mahuli na ang mga pasaway na pulis, at magsilbing leksyon at babala ito sa iba pang miyembro ng kanilang hanay.