Bagamat suportado ang pagbaba ng age of criminal liability, aminado si Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde na kailangang pag-aralang mabuti ang naturang panukala.
Paalala ito ni Albayalde matapos aprubahan ng House Justice Committee na ibaba sa 9-anyos ang edad ng pananagutan ng batang lumabag sa batas.
Ayon sa PNP chief, dapat itong pag-aralang mabuti ng academe, mga institusyon at mga ahensya ng gobyerno.
Hindi anya dapat iasa lang sa law enforcement ang solusyon sa problema ukol sa juvenile delinquency.
Pwede rin anyang ang mga batang nagkasala ay biktima rin ng mga matatanda o maski kanilang mga magulang na ginagamit sila sa iligal na mga gawain kaya dapat anyang papanagutin din ang mga magulang.