Mga magulang ng mga batang nahuli sa Navotas drug raid kakasuhan

Inquirer file photo

Kakasuhan na ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang mga magulang ng labing dalawang menor de edad ba nasagip sa isinagawang buy-bust operation sa ilang drug dens sa Navotas City kamakailan.

Labing anim ang arestado sa operasyon, habang ang mga batang na-rescue ay may edad apat hanggang labing limang taong gulang, at ginagamit daw bilang drug runners, pushers, o drug den maintainers, at ang iba ay sumali pa sa pot sessions o gumagamit ng droga.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, ang mga magulang ng mga bata ay mahaharap sa paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Giit ni Aquino, ang “child neglect” ay isang simpleng uri ng pang-aabuso.

Ang mga magulang o guardians ay kailangang pagpaliwanagin kung bakit hindi nila naprotektahan ang mga bata laban sa pang-aabuso, eksploytasyon at diskriminasyon, at pinaka-malala ay kung mismong ang mga bata ang nasasangkot sa mga nabanggit na aksyon.

Paalala ni Aquino, ang mga bata ay dapat na nasa kani-kanilang tahanan at hindi sa lansangan at inaalagaan ng mga magulang.

Kapag napatunayan na ang magulang ay nagpabaya o pinuwersa na masnagkot ang kanilang anak sa illegal drug trafficking, may katapat itong parusa na “prision mayor” o hindi bababa sa anim na taon at isang araw hanggang walong taon.

Read more...