Ikinalugod ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang pasya ng lokal na pamahalaan ng Maynila na pansamantalang isara ang Manila Zoo.
Sa desisyon ni Manila Mayor Joseph Estrada, ang temporary closure ng Manila Zoo ay para bigyang-daan ang rehabilitasyon ng Manila Bay.
Sa isang statement, sinabi ni DENR Usec. Benny Antiporda na “welcome” sa kanilang ahensya ang hakbang ni Mayor Erap.
Ito aniya ay isang “good sign of cooperation” ng Manila LGU, sa nakatakdang pagsisimula ng Manila Bay rehab project ngayong buwan.
Umaasa naman si Antiporda na makikipagtulungan din ang iba pang lokal na pamahalaan sa mga proyekto ng DENR gaya ng rehabilitasyon ng Manila Bay na para sa ikabubuti ng kalikasan.
Samantala, sinabi ng Manila Zoo management na naipaalam na nila sa kanilang mga empleyado ang pansamantalang pagsasara ng zoo.
Pagtitiyak ng pamunuan nito, walang maaalis sa trabaho dahil bagama’t sarado sa publiko ang zoo ay normal ang operasyon nito dahil kailangang alagaan ang mga hayop.