Nasimulan na ng Sandiganbayan ang pagdinig sa graft case na kinakaharap ni Senador Gringo Honasan.
Gayunman, no-show o hindi nakadalo si Honasan sa hearing na ginawa Martes ng umaga (January 22).
Dahil dito, itinakda ng Sandiganbayan sa January 28 at 29 ang susunod na pagdinig.
Dumalo naman sa trial ang mga testigo na sina Charlito Santos, license officer II ng Quezon City Business Permits and Licensing Office; at si Marissa Santos, ang Chief Administrative Officer ng Central Records Division ng Department of Budget and Management.
Ang kasong graft ni Honasan ay nag-ugat sa umano’y maling paggamit sa kanyang P29.1 Million na halaga ng Priority Development Assistance Fund o mas kilala bilang Pork Barrel noong 2012.
Batay sa prosekusyon, ang kanyang PDAF ay inilabas umano para sa National Council of Muslim Filipinos, at laan sa mga livelihood projects para sa mga Muslim sa NCR at Zambales.
Gayunman, sa imbestigasyon ng prosekusyon, kwestyonable ang pagkaka-endorso ni Honasan sa kanyang PDAF sa Focus Development Goals Foundation, Inc. bilang implementing NGO, lalo’t hindi sumunod sa procurement regulations.