Nag-landfall na ang Bagyong Amang sa Siargao Island, Linggo ng gabi.
Sa 11:00 PM advisory ng PAGASA weather bureau, tumama sa kalupaan ng Siargao ang naturang bagyo bandang 8:00 ng gabi.
Huling namataan ang bagyo sa layong 80 kilometers North Northeast ng Surigao City, Surigao del Norte bandang 10:00 ng gabi.
Nananatili naman ang lakas nitong 45 kilometers per hour at pagbugsong 60 kilometers per hour.
Dahil dito, asahan na ang katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan sa Caraga, Northern Mindanao, Eastern Visayas, Davao Oriental, Compostela Valley, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate, Northern Negros Provinces, Northern Cebu at Bohol.
Ayon pa sa PAGASA, malaki ang posibilidad ng pagbaha at landslide sa mga nabanggit na lalawigan.
Nakataas pa rin ang public storm warning signal number one sa 13 lugar sa Visayas at Mindanao.
Sa Visayas region, nasa signal number one ang Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Eastern Bohol at Northern Cebu.
Sa Mindanao naman, signal number one din ang Agusan del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Sur, Surigao del Norte, Dinagat Islands at Camiguin.
Dagdag pa ng weather, maaaring umabot sa 30 hanggang 60 kilometers per hour ang mararamdamang lakas ng hangin dulot ng bagyo.
Pinayuhan ang mga residente sa mga baybaying-dagat at paanan ng bundok na mag-ingat sa flashflood at landslide.