Bagyong Amang, napanatili ang lakas habang papalapit sa Surigao provinces

PAGASA photo

(Updated) Napanatili ng Bagyong Amang ang hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong 60 kilometers per hour habang tinatahak ang Surigao provinces.

Sa 5:00 PM advisory ng PAGASA, kumikilos ang bagyo sa bilis na 30 kilometers per hour sa direksyong West Northwest.

Bandang 4:00 ng hapon, huling namataan ang bagyo sa layong 175 kilometers southeast ng Surigao City, Surigao del Norte.

Dahil dito, nakataas pa rin ang public storm warning signal number one sa 13 lugar sa Visayas at Mindanao.

Sa Visayas region, nasa signal number one ang Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Eastern Bohol at Northern Cebu.

Sa Mindanao naman, signal number one rin ang Agusan del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Sur, Surigao del Norte, Dinagat Islands at Camiguin.

Ayon pa sa weather bureau, asahan ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Caraga, Northern Mindanao, Eastern Visayas, Davao Oriental, Compostela Valley, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate, Northern Negros Provinces, Northern Cebu at Bohol.

Inaasahang tatama ang bagyo sa Surigao del Norte mainland – Siargao Islands anumang oras mula Linggo ng hapon hanggang sa gabi.

Pinayuhan ang mga residente sa mga baybaying-dagat at paanan ng bundok na mag-ingat sa flashflood at landslide.

Pinagbabawalan din ng PAGASA ang mga mangingisda na pumalaot sa Northern seaboard ng Northern Luzon, Eastern seaboards ng Luzon, Visayas at Mindanao dahil sa malalakas na alon.

Read more...