Pangulong Aquino, nagpasalamat sa taumbayan sa pagtatapos ng APEC

 

Inquirer.net/AP

Pinasalamatan ni Pangulong Benigno Aquino III ang taumbayan dahil sa mainit na pagtanggap sa mga lider at delegadong dumalo sa katatapos lamang na APEC summit.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Aquino na pawang mga papuri ang ipinarating ng mga pinuno ng 21-member economies ng APEC at kanilang mga kasamahan sa ipinakitang hospitality ng mga Pinoy.

Dahil aniya sa mga positibong pahayag ng mga ito, lalo sumidhi ang kanyang paniniwala na kaya ng Pilipinas na ipagpatuloy ang pag-unlad sa mga susunod na taon at sa mga susunod na henerasyon.

Pinasalamatan din ng Pangulo ang mga dumalo sa APEC summit sa positibong pagsusulong ng mga adhikain na makatutulong sa sambayanan.

Magagamit aniya ang mga nabuong panukala ukol sa structural reform upang mapaunlad ang ekonomiya ng bawat isa sa 21-member economies sa loob ng limang taon.

Sa ilalim aniya ng Boracay Action Agenda, mabibigyan ng pagkakataon ang mga Micro, Small and Medium Enterprises na maipakilala ang kanilang kalakal sa regional market.

Nagpahayag din aniya ang ilang mga lider na suportahan ang Pilipinas sa paglahok nito sa Trans-Pacific Partnership o TPP sa oras na ito ay ipatupad na.

Sa kabuuan, umabot sa 11,000 katao mula sa mga bansang kasapi ng APEC ang dumating sa bansa upang makiisa sa okasyon.

Read more...