Itinuring na tagumpay ng Department of Foreign Affairs ang pagiging punong-abala ng Pilipinas sa katatapos lamang na APEC Leaders Meeting sa bansa.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman, Assistant Secretary Charles Jose, nagawa ng gobyerno na isulong ang agenda sa leaders summit kahit hindi naging bahagi nito ang isyu ng territorial dispute sa West Philippines Sea.
Una na aniyang nilinaw bago ang pagpupulong na magiging isang ‘perfect host’ ang Pilipinas sa APEC sa kabila ng isyu ng territorial dispute sa China.
Gayunman, kahit aniya hindi kasama sa agenda, naging bahagi naman ito ng mga bilateral meeting nina US President Barack Obama at mga pinuno ng Vietnam at Japan na kapwa may nakabinbin ding claim sa mga teritoryong inaangkin ng China sa South China Sea.
Sa pananatili aniya ng mga lider at delegado ng iba’t-ibang bansa, nagawa ng pamahalaan na matiyak na ligtas at komportable ang mga ito sa kanilang pananatili sa Pilipinas.