Nahatulan na ng habangbuhay na pagkakakulong ang tatlong suspek sa pagdukot sa Amerikanang si Gerfa Yeatss Lunsmann, kaniyang anak na si Kevin at pinsan na si Romnick Jakaria.
Nakasaad sa inilabas na desisyon ng Regional Trial Court 15 Judge Peter Eisma, Huwebes, na kasama sa hindi na magiging eligible para sa parole ang iba pang mga suspek na sina Patik Samson alyas “Mauck” o “Samuray”, Meijing Jama alyas “Eyebag”, Imran, Abu Napieh, Termiji Atalad Ahmad, Jamil Ajijul alyas “Gadzie Ajijul”, at isang Robin.
Tatlo ang naarestong mga suspek sa nasabing pagdukot, ngunit ayon kay Zamboanga City police director Senior Supt. Angelito Casimiro, hindi bababa sa 29 na iba pa ang nananatiling ‘at large’.
Nagpapasalamat din aniya ang pulisya sa Lunsmanns sa pagtuloy ng kaso na nagbunsod sa pagkakahatol sa tatlong suspek.
Ani Casimiro, mahalaga ang partisipasyon ng mga biktima at testigo para maipanalo ang kaso, at walang palya namang dumalo si Mrs. Lunsmann sa mga naganap na pagdinig.
Dinukot sina Lunsmann noong 2011 habang sila ay nagbabakasyon sa Tictabon Island, pero nakatakas sina Jakaria at Kevin, habang pinalaya naman si Mrs. Lunsmann sa pamamagitan umano ng pagbabayad ng ransom sa Abu Sayyaf.