Maging ang pamilya ng Belgian terrorist na si Abdelhamid Abaaoud ay hiniling na rin dati na mamatay na ito dahil sa maraming kasalanan sa taumbayan at sa kanilang pamilya.
Ayon sa ama nitong si Omar, na nakapanayam ng mga Flemish newspaper, naghatid ng kahihiyan sa kanilang pamilya ang kanyang anak at hindi na niya ito nais pang makita.
Hiling din ng kapatid nitong si Yasmina, sana’y totoong patay na ito matapos unang mapaulat na nasawi ito sa raid sa isang ISIS base sa Syria noon.
Ikinagalit din ng pamilya ng terorista ang pagrecruit nito sa kanyang 13 –taong gulang na kapatid na si Younes na dinala nito sa Syria at itinuturing na pinakabatang jihadist sa kasalukuyan.
Si Abdehamid ay tinagurian ding ‘bully’ sa eskwelahan at ‘petty criminal’ noong ito’y estudyante pa sa Brussels immigrant district ng Molenbeek bago naging pangunahing ISIS militant na sangkot sa serye ng mga terror plots sa Europa. 40 taon nang nakatira sa Belgium ang pamilya ng 28-anyos na ISIS militant mula sa Morocco.
Bago ang Paris attacks, ipinagmamalaki pa noon ni Abdelhamid na muntikan na siyang maaresto noon ngunit pinakawalan din sa isang Europen checkpoint.
Makailang ulit din nitong ipinagmalaki sa ilang ISIS video na nagawa niyang manatili sa Europa at makapagplano ng mga terror attacks sa kabila ng pagtugis ng mga otoridad.
Kahapon, kinumpirma ng French authorities na napatay sa raid si Abdelhamid sa St. Denise sa France batay sa nakuhang fingerprint dito.
Nasawi rin ang pinsan nitong babae sa pagsalakay sa pinagtataguang apartment makaraang magpasabog ng isang suicide belt.