Mga asawa ng APEC leaders, ipinasyal ng Aquino sisters sa Intramuros

 

Mula sa inquirer.net

Naging abala rin ang presidential sisters na sina Kris Aquino, Maria Elena “Ballsy” Aquino-Cruz, Victoria Elisa “Viel” Aquino-Dee at Aurora Corazon “Pinky” Aquino-Abellada sa Asia Pacific Economic Cooperation leaders’ summit.

Dahil walang asawa si President Beningno Aquino III, sila ang naging punong abala sa pag-aasikaso sa mga asawa ng APEC leaders.

Dinala ng Aquino sisters ang mga bisita sa Intramuros para sa isang historical tour na tinaguriang “A Walk Through Time”.

Layon ng tour na ito na ipakita sa mga kabiyak ng APEC leaders ang pamumuhay sa Pilipinas noong panahon ng Kastila.

Nagsilbing “living museum” ang Intramuros kung saan itinanghal ang galing ng mga aktor, mananayaw, mangangawit at musikero.

Natunghayan ng mga bisita ang pahapyaw ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng mga exhibit ng mga produktong Pilipino, mga cultural dance, pati na rin ang pagpapatikim sa kanila ng ilang pagkaing Pilipino tulad ng pastillas.

Hinarana rin sila ng mga sikat na mangangawit ng Pilipinas kabilang na si Ogie Alcasid.

Samantala, nakasuot si Kris ng isang asul na modern Filipiniana na dinisenyo ni Michael Leyva, habang ang kaniyang mga kapatid na sina Ballsy at Viel ay nakasuot ng mga bestidang hanggang tuhod.

Si Pinky naman ay nakasuot ng ethnic-inspired long skirt at blouse.

Ipinost ni Kris ang isang group photo nilang magkakapatid sa kaniyang Instagram account na umani ng mahigit sa 11,000 likes.

Read more...