Dagdag-sahod ng mga empleyado ng Makati City hall naaantala dahil sa delay na approval City councilors sa budget ng lungsod

Photo by Rod Lagusad

Naantala ang pagbibigay ng dagdag na sweldo sa mahigit 10,000 mga empleyado ng City Government ng Makati.

Ito ay dahil ibinibinbin ng City councilors na kaalyado ng oposisyon ang pag-apruba sa 2019 executive budget.

Ayon kay Makati Vice Mayor Monique Lagdameo, presiding officer ng City Council, sinasadyang i-delay ng 12 mga konsehal ang budget approval dahilan kaya hindi maipatupad ng city government ang dagdag sahod ng mga empleyado.

Sinabi ni Lagdameo na ang nasabing mga konsehal ay kaalyado at tumatakbo sa ilalim ng tiket ni dating Makati Mayor Junjun Binay.

Ang dagdag sahod ay ikaapat na bahagi sana ng salary increas pata sa city government workers sa ilalim ng Salary Standardization Law na dapat epektibo na noon pang January 1.

Dalawang magkasunod na sesyon na ayon kay Lagdameo ang ginawa noong January 9 at 16 pero hindi inaksyunan ng mga konsehal ang panukalang Appropriation Ordinance para sa P18.17-billion executive budget para sa taong 2019.

Ani Lagdameo, noon pang Oct. 24, 2018 naka-kalendaryo ang budget at nagsagawa na ng marathon budget deliberations mula pa November 12 hanggang December 19, 2018.

Tinukoy ni Lagdameo ang mga miyembro ng konseho na bumoboto para ipagpaliban ang budget approval na sina Majority Floor Leader at Head of the Committee on Laws, Rules and Ethics, Councilor Nemesio Yabut, Jr.; Councilor Divina Jacome, Head of the Committee on Appropriations and Budget; Councilors Shirley Aspillaga, Grazielle Iony De Lara-Bes, Ferdinand Eusebio, Leonardo Magpantay, Romeo Medina, Arlene Ortega, Nelson Pasia, Mary Ruth Tolentino, Marie Alethea Casal-Uy, at Evelyn Delfina Villamor.

Habang ang mga konsehal na miyembro ng minorya na nagsusulong na maipasa na ang budget ay sina Councilors Maria Concepcion Yabut, Virgilio Hilario, Jr., Luis Javier, Jr., Armand Padilla, at Rodolfo San Pedro, Jr.

Read more...