1 patay, 5 arestado sa sinalakay na drug den sa Taguig

NCRPO Photo

Isa ang patay habang arestado ang limang iba pa sa sinalakay na drug den sa Brgy. New Lower Bicutan sa Taguig City.

Bitbit ang search warrant sinalakay ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng NCRPO at ng Taguig City Police Station ang bahagi ng Roldan Street sa Road 18 sa naturang barangay dahil sa sumbong na ginagawa itong drug den.

Sa nasabing operasyon nasawi matapos manlaban sa mga otoridad ang suspek na si Jaime Sangki alyas Mohamen Sangki na kasama sa listahan ng high value target at isang notoryus na drug dealer sa Taguig.

Arestado naman ang limang kasamahan nito na kinilalang sina Abdulsalam Sailila, Abdul Lumenda, Ali Karanggayan, Adzmie Akol at Ahmad Sangki na pawang nagsisilbing spotters, lookout at runners sa drug den.

Ayon kay NCRPO chief, Dir. Guillermo Eleazar ang anim ay pawang miyembro din ng isang Criminal Gang na sangkot sa drug trafficking at gun-for-hire activities sa South Metro Manila.

Nakumpiska sa kanila ang 19 na pirasong of plastic sachets ng shabu na tinatayang P816,000 ang halaga, drug paraphernalia, isang baril na may magazine at mga bala at P5,000 na cash.

Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition in relation to Omnibus Election Code.

Read more...