LPA na binabantayan ng PAGASA papasok na ng bansa bukas

Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa 4am weather update ng ahensya, huli itong namataan sa layong 1,529 kilometro Silangan ng Mindanao.

Mababa pa rin ang tyansa na maging ganap na bagyo ang LPA ngunit papasok na ito ng bansa bukas, araw ng Sabado.

Inaasahang magdadala ito ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Patuloy namang nakakaapekto ang northeast monsoon o Amihan sa buong bansa.

Dahil sa Amihan, mararanasan ang maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR).

Sa nalalabing bahagi naman ng bansa kabilang na ang Metro Manila ay maalinsangan ang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang mahihinang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Samantala, mapanganib ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Batanes, Babuyan Group of Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Cagayan at Isabela.

Read more...