Legalisasyon ng medical marijuana, hindi maipapasa sa 17th Congress

Tiwala si House Senior Deputy Minority Leader Lito Atienza na hindi na maisasabatas sa 17th Congress ang panukalang gawing legal ang medical marijuana.

Ayon kay Atienza, nagkausap sila ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III at tiniyak sa kanyang dead on arrival sa Senado ang panukala kapag dinala sa kanila.

Gayunman, hindi niya hahayaan na lumusot sa third at final reading ang House Bill 6517 kung saan kahapon ay tinangka pa itong aprubahan sa plenaryo kahit na walang quorum.

Muli ring ipinaliwanag ni Atienza na maaabuso lang ang medical cannabis at hindi malabong magamit sa recreational purposes kapag naging legal sa bansa gaya ng nangyari sa Canada at California sa USA.

Kaugnay nito ay kakausapin ni Atienza si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo para linawin ang pahayag nito na gumamit siya ng marijuana pain patch sa ibang bansa para gamutin ang kanyang sakit sa cervical spine.

Sa ngayon, pasado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang nasabing panukala.

Read more...