Binuweltahan ni Sen. Grace Poe si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa paggamit nito ng international law para idepensa ang West Philippine Sea pero hindi sa isyu ng citizenship ng mga foundling.
Sinabi ng Senadora sa Malolos, Bulacan na mga international treaty lang at hindi international law ang ginawang basehan sa pagsasabi na ang foundling ay dapat ituring na natural born filipino.
Pero tanong ni Poe, hindi raw ba international law ang ginagamit maski ng mga mahistrado ng korte suprema gaya ni Carpio sa pagsusulong ng teritoryo sa West Philippine Sea?
“So para sa akin, huwag naman tayong mamili, piliin lang natin kung ano ang makakabuti sa mas nakakarami sapagkat kung akoy madi-disqualify, ilang-daang libong mga bata na walang katiyakan kung sino ang kanilang mga magulang ay mawawalan ng pagkakataon na mangarap,” pahayag ni Poe.
Hindi direktang binanggit ni Poe ang pangalan ni Carpio pero sa huli ay sinabi nito na ang mahistrado ang kanyang tinutukoy dahil hindi naman daw sikreto ang kanyang adbokasiya para mapanatili ang integridad ng mga lupain at karagatan ng bansa.
Mahirap anyang sabihin na hindi pwedeng galangin ang international law samantalang ginamit naman itong basehan sa pakikipaglaban sa teritoryo.
Ibinasura ng Senate Electoral Tribunal ang disqualification case na isinampa ni Rizalito David laban kay Poe. Pero isa si Carpio sa apat na bumoto pabor sa reklamo.