Tuluyan nang isinara ng 31-States sa U.S ang kanilang pintuan para sa mga refugees na manggagaling sa bansang Syria.
Sa kanilang pahayag, kanilang sinabi na dapat unahin ng Federal Government ang kaligtasan ng mga mamamayan ng America imbes na tulungan ang mga refugees na maaaring mga nagpapanggap lamang na nangangailangan ng tulong.
Muling uminit ang nasabing isyu makaraang lumabas sa imbestigasyon ng French government na isa palang miyembro ng ISIS si Ahmad al Muhammad na nakapasok ng Europe makaraang magpanggap na refugee.
Si Muhammad ay iniuugnay din sa naganap na Paris terror attack noong nakaraang weekend.
Sa record ng Federal Government, umaabot na sa 1,500 refugees mula sa Syria ang nasa ibat-ibang mga lugar na ngayon ng America.
Noong Setyembre ay sinabi ni U.S President Barack Obama na bago matapos ang kasalukuyang taon ay maaari nang tanggapin sa U.S ang halos ay 10,000 refugees na tumatakas sa kaguluhan sa bansang Syria.
Dahil sa nangyaring pag-atake sa Paris ay dumami ang mga estado na nananawagan kay Obama na pag-isipang mabuti ang kanyang refugee policy na pwedeng magdala ng kapahamakan sa kanilang bansa.
Kabilang sa mga estado na nagsara ng kanilang mga pintuan para sa mga mamamayan ng Syria na tumatakas sa kanilang bansa ay ang Alabama, Texas, Michigan, Illinois, Maine, New Hamshire, Arizona at iba pa.