Sa isang statement, sinabi ng Comelec na nagpasya rin ang en banc na paiiralin ang “numbering sequence” para sa party-list groups na papayagang magsabak sa halalan.
Paliwanag ng poll body, kung madiskwalipika ang isang party-list group na makasama sa eleksyon, kanilang kakanselahin ang raffled number.
Ang kwalipikadong party-list groups naman ay mapapanatili ang kanilang number at hindi maaapektuhan ang kanilang numero sa mga balota.
Noong December 5, 2018, nagsagawa ang Comelec ng automated raffle upang madetermina ang “order of listing” sa hanay ng party-list groups, organisasyon o koalisyon para sa official ballot, alinsunod sa Resolution no. 10448.
Kasama sa raffle draw ang mga pinal na ang rehistrasyon at mga naghain ng kanilang Manifestations of Intent to Participate in the Party-list Elections noon o bago ang May 2, 2018.