Sinabon at pinagalitan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bacolod Chief of police Senior Supt. Francisco Ebreo at apat na pulis na una nang sinibak sa pwesto dahil sa pagkakasangkot sa illegal na droga.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, galit ang pangulo dahil hinayaan nina Ebreo, , Senior Supt. Allan Rubi Macapagal, Supt. Richie Makilan Yatar, Supt. Nasruddin Daud Tayuan, at Senior Insp. Victor Paulino na mamayagpag ang illegal na droga sa Bacolod.
Dismayado aniya ang pangulo dahil mistulang walang alam ang mga sinibak na pulis sa presensya ng ilang personalidad sa Bacolod na nasa industriya ng illegal na droga.
Bandang alas singko ng hapon kahapon nang kastiguhin ni Pangulong Duterte ang limang pulis sa Malakanyang. Tumagal ang kanilang pagpupulong ng dalawampung minuto.
Tiniyak naman ng Palasyo na bibigyan naman ng due process ang limang pulis at sasailalim sa imbestigasyon.
Mariin naming itinanggi nina Ebreo na sangkot sila sa illegal na droga.