Bishop Bacani hinamon si Duterte na maglakad nang walang kasamang bodyguard

CBCP photo

Hinamon ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani si Pangulong Rodrigo Duterte na maglakad ito sa kalsada ng walang security escorts.

Ayon kay Bacani, kung talagang matapang ang pangulo, ang “friendly challenge” niya ay maglakad ito sa lansangan na walang seguridad.

Ang pahayag ni Bacani ay sabay-giit na silang mga obispo ay naglalakad ng walang bodyguard, walang bullet-proof vest, walang nakapaligid na security aide at wala silang baril.

Kaya ang simpleng hamon ng obispo sa pagulo, gawin ni Duterte ang kanilang ginagawa.

Pahayag ito ni Bacani kasunod ng huling batikos ng pangulo laban sa mga obispo at sinabihan pa nito ang mga tambay na pagnakawan o patayin ang mayayamang obispo, bagay na ayon sa Malakanyang ay patungkol lamang sa mga mayayaman at ipokritong Obispo.

Si Bacani ay kabilang sa mga tampok sa aklat na Altar of Secrets na madalas ianunsyon ng pangulo.

Laman nito ang mga kontrobersiya na kinasasangkutan ng ilang lider ng simbahang katoliko.

Nakapaloob rin sa nasabing aklat ang sexual scandal na kinasasangkutan ni Bacani makaraan siyang ireklamo ng kanyang sariling secretary na umano’y biktima ng pangmo-molestiya ng nasabing pari.

Read more...