Davao RTC hindi naglabas ng HDO laban kay Trillanes

Inquirer file photo

Ibinasura ng Davao City Regional Trial Court (RTC) ang petisyon ng Department of Justice (DOJ) na mapigilan si Sen. Antonio Trillanes IV na makabiyahe abroad.

Hindi pinagbigyan ng Davao RTC Branch 54 ang hiling ng DOJ na hold departure order (HDO) laban sa Senador.

Binanggit ng korte na mismong ang prosekusyon ang umamin na walang ebidensya na may planong tumakas si Trillanes.

Noong nakaraang taon, naghain ang DOJ ng petisyon na maglabas ang korte sa Davao ng HDO laban sa mambabatas na noo’y nakatakdang bumiyahe sa Amerika at Europe.

Idinahilan ng DOJ prosecutors na gagamitin umano ni Trillanes ang mga biyahe nito sa ibang bansa para tumakas.

Ito ay dahil bukod umano sa kasong libelo ay nahaharap si Trillanes sa iba’t ibang kasong kriminal sa mga korte sa Makati at Pasay.

Sa pagbasura sa mosyon ng DOJ, ikinunsidera ng korte ang boluntaryong pagsuko ng Senador nang maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya.

Binanggit din ng korte na pinayagan ng Senate President ang pagpunta ni Trillanes sa Europe noong December 11, 2018 hanggang January 12, 2019 at sa US mula January 27 hanggang February 10, 2019

Read more...