Sa pagnanais na matuldukan na sigalot sa pagitan ng gobyerno at rebeldeng grupo, inutusan ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Philippine Coconut Authority (PCA) administrator at MTRCB board member Billy Andal na magsagawa ng backchanneling talks kay CPP founding chairman Jose Maria Sison.
Ito ay para hikayatin ang rebeldeng grupo na bumalik sa negotiating table.
Base sa utos ng pangulo kay Andal, dapat na iparating kay Sison na handa na muli ang pangulo na ituloy ang naudlot na peace talks sa communist movement upang makamit na ang kapayapaan sa bansa.
Ginawa ang hakbang na ito ng pangulo sa kabila ng mga pagbatikos ni Pangulong Duterte sa communist movement gayundin kay Joma Sison.
Tinanggap naman ni Joma Sison ang muling kahandaan ng gobyerno na makipag-usap sa rebeldeng komunista para sa peace talks.
Naniniwala si Andal na hindi militarization ang sagot upang makamit ang kapayapaan sa bansa kundi ang sinserong peace talks sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.
Tatlong beses naging political detainee sa panahon ng Martial Law si Andal na isang student activist ng dekada 70 at isa sa founder ng Partido ng Bayan.
Kasaluyang board member ng MTRCB si Andal na isa ring TV host at newspaperman.