Trough ng LPA sa Silangan ng Mindanao magdadala ng pag-ulan

Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) na nasa labas ng bansa at may posibilidad na maging bagong bagyo.

Sa 4am weather update ng ahensya, ang sama ng panahon ay huling namataan sa layong 3,640 kilometro Silangan ng Mindanao.

Inaasahang papasok sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang LPA sa Huwebes o Biyernes at pangangalanang ‘Amang’.

Sa kasalukuyan, nakakaapekto ang hanging Amihan sa malaking bahagi ng bansa partikular sa Luzon at Visayas.

Makararanas ng maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan sa Aurora, Quezon at Bicol Region dahil sa Amihan.

Samantala, mararanasan ang maulap na kalangitan may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Caraga, Northern Mindanao at Davao Region dahil sa trough ng LPA na nasa labas ng bansa.

Ang nalalabing bahagi naman ng bansa ay makararanas ng magandang panahon na may posibilidad lamang ng mga panandaliang pulo-pulong pag-ulan.

Read more...