Hepe ng Bacolod City police sinibak ni Duterte sa pwesto

Sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto ang chief of police ng Bacolod City, Negros Occidental dahil sa kapabayaan umano nito sa pagkalat ng iligal na droga sa lungsod.

Inanunsyo ito ng presidente sa kanyang talumpati sa birthday party ni Leo Rey Yanson, chief executive officer ng Vallacar Transit Sabado ng gabi.

Sa kanyang talumpati, hinanap ni Duterte si Bacolod City Police Office chief Senior Supt. Francisco Ebreo at sinabihang sibak na siya sa pwesto.

Gayunman, nasa labas ng venue ang police official para tiyakin ang seguridad ng pagbisita ng presidente.

Pinangalanan din ng presidente ang ilan pang police officers at maging ang isang Bacolod City Councilor na may kaugnayan din anya sa iligal na droga.

Ang mga pulis na ito ay sina Deputy City Police Director for administration Senior Supt. Allan Rubi Macapagal, Supt. Richie Makilan Yatar, Supt. Nasruddin Daud Tayuan at Senior Insp. Victor Paulino.

Nagulat naman si Western Visayas Police Regional Office Chief Supt. John Bulalacao sa pagkaka-ugnay kay Ebreo dahil tiwala anya siya sa ginagawa nito sa kampanya sa laban sa iligal na droga.

Gayunman, mag-iimbestiga umano si Bulalacao at susundin ang utos ng pangulo dahil maaaring may basehan ito sa kanyang alegasyon.

Samantala, sinabi ni Bulalacao na ipinatatawag ng presidente si Ebreo para sa isang meeting bukas, araw ng Lunes.

Read more...