Ayon kay Layton police Lt. Travis Lyman, bumangga ang sasakyan ng isang 17 anyos na babae sa isang sasakyan dahil tinakpan niya ng sombrero ang kanyang mga mata bilang paggaya sa “Bird Box,” pelikula ni Hollywood actress Sandra Bullock sa Netflix kung saan dapat may takip ang mga mata para maiwasan ang vision na nag-eengganyo sa tao na magpakamatay.
Sa mga larawan na ibinahagi ng Layton Police, makikita ang ilang sasakyan na nasira matapos bumangga bunsod ng naturang challenge.
Viral din sa Internet ang mga video ng mga taong nakatakip ang mga mata habang sila ay may ginagawa. Ang iba ay ginaya pa ang ilang eksena sa naturang pelikula.
Pero nagbabala na ang Netflix na huwag gayahin ang napanood sa “Bird Box.”
Ayon sa pulisya, wala namang nasaktan sa aksidente sa Salt Lake City.
Pero nais ni Lyman na magsilbing babala na huwag magmaneho nang naka-blindfold para hindi madisgrasya.