Bagong banat ni Duterte para lamang sa mga pari na namumuhay nang marangya – Panelo

Malacañang Photo

Muling ipinagtanggol ng Palasyo ng Malacañang si Pangulong Rodrigo Duterte sa panghihikayat nito sa mga tambay na holdapin at patayin ang mga obispo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang pahayag ng punong ehekutibo ay para lamang sa mga lider ng Simbahan na namumuhay nang marangya na taliwas sa mga katuruan nito.

Gumagamit lamang umano ang pangulo ng ‘figures of speech’ o mga tayutay para idiin ang isang isyu.

Giit ni Panelo, sinubukan lamang ni Duterte na ihayag ang kabiguan ng mga obispo na makiramay sa mahihirap habang ang mga ito ay namumuhay umano ng komportable.

Sinabi pa ng kalihim na kahit walang tigil ang atake ng presidente sa Simbahang Katolika, inirerespeto anya nito ang pananampalatayang Kristiyano.

Patunay anya rito ang paglagda ng pangulo sa National Bible Day Act at mensahe ng presidente sa Pista ng Itim na Nazareno.

Read more...