Lubhang mataas ang lebel ng fecal coliform o bacteria na mula sa dumi ng tao at mga hayop sa mga estero na konektado sa Manila Bay.
Ito ang lumalabas sa inspeksyon na isinagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kahapon na pinangunahan mismo ni Sec. Roy Cimatu.
Sa water sample na nakuha sa Estero de San Antonio de Abad, lumalabas na ito ang may pinakamataas na lebel ng fecal coliform na 1.3 billion most probable number (MPN).
Lubha itong malayo sa normal na lebel na 100 mpn.
Napag-alaman na aang Manila Zoo ang nasa likod ng mataas na lebel ng fecal coliform dahil wala pala itong treatment plant.
Gayunman, iginiit ni Atty. Jaz Garcia ng Manila Zoo Public Recreation Department na hindi naman kasama ang mga dumi ng mga hayop sa wastewater na kanilang inilalabas sa dagat.
Samantala, lumalabas din na 354 na pamilyang informal settlers sa Brgy. Sto. Niño sa Parañaque ang walang septic tank.
Dahil dito, diresto sa Parañaque River patungong Manila Bay ang kanilang mga dumi.
Sasailalim sa inspeksyon ng DENR ang Maynilad at Manila Water kung nakakonekta ba ang mga bahay at buildings sa mga sewerage treatment plants.
Plano na rin ng kagawaran na ilipat ng tirahan ang mga informal settlers sa mga esterong konektado sa Manila Bay.