First lady ng Japan, bumisita sa Payatas

 

Erika Sauler/Inquirer

Pumunta si Japanese first lady Akie Abe sa komunidad sa paligid ng Payatas dumpsite nitong Miyerkules.

Dumating si Akie Abe sa Maynila kasama si Japanese Prime Minister Shinzo Abe na dumalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation meeting, pero ang tunay na pakay ni Akie dito ay ang makita ang mga gawa ng Salt Payatas Foundation Philippines Inc. na isang Japanese nongovernment organization (NGO).

Kasama ni Akie Abe na pumunta sa Payatas si Yoko Ishikawa, asawa ni Japanese Ambassador Kazuhide Ishikawa.

Simula pa noong 1995, tumutulong na ang nasabing NGO sa mga residente ng Payatas sa pamamagitan ng scholarships at mga pangkabuhayang programa.

Sa pagbisita ni Akie sa lugar, nag-alay siya ng mga bulaklak para sa ala-ala ng mahigit 200 kataong nasawi sa pagguho ng bundok ng basura sa Payatas noong taong 2000.

Nais din marinig ng first lady ang mga kuwento ng buhay ng mga residente doon na nabubuhay sa pangangalakal, lalo na ang mga kabataan.

Nakausap ni Akie ang mga benepisyaryo ng Likha Pangkabuhayan ng Salt Foundation kung saan ang mga residente ay tinuturuan ng mga gawaing pangkabuhayan tulad ng pagbuburda.

Kabilang sa mga produktong nagagawa ng mga benepisyaryo ng Likha ay mga tuwalya, card cases, book covers at passport covers na binebenta rin sa Japan.

Nagalak naman si Akie nang bigyan siya ng cross-stitch work na may pangalan niya at imahe ng isang jeep, at bago siya umalis, bumili siya ng anim na tuwalya sa Likha shop.

Read more...