Pagbibitiw sa gabinete, “dramatic tactic” ni Binay

binay-0910-660x371
Inquirer.net file photo

Bahagi ng drama ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang ginawa nitong pagbibitiw bilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Noynoy Aquino.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Political Analyst at Prof. Antonio Contreras ng De La Salle University, taktika ito ng kampo ni Binay matapos na maungusan sa ratings ni Senator Grace Poe sa Presidential Survey ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) kamakailan.

Ayon kay Contreras, dahil tila umepekto sa publiko ang madrama at mala-teleseryeng storya ng buhay ni Poe, gumawa ng paraan ang kampo ni Binay upang matapatan ang drama.

Itinuturing naman ni Contreras na perfect timing ang ginawang pagbibitiw ni Binay bilang miyembro ng gabinete dahil sa bagong trust rating survey, lumitaw na tumaas pa ang tiwala sa kaniya ng publiko kahit bugbog-sarado na ito ng kontrobersiya.

“Parang teleserye itong pulitika sa atin eh, nakita nilang umakyat si Poe sa survey kasi nadala ang mga tao sa istorya ng buhay niya, kaya gumawa sila (Binay camp) ng drama. At ang drama nga nila ay itong pagbibitiw sa gabinete ni VP Binay,” ayon kay Contreras.

Kasabay nito ay nanawagan si Contreras sa publiko na huwag ibase sa mga survey ang pagpili ng ihahalal nilang kandidato para sa 2016 elections.

Mas dapat aniyang isipin ng mga botante na dapat ay makapili sila ng kandidatong kayang talikuran ang korapsyon at kayang solusyonan ang matagal nang mga problema sa bansa gaya na lamang ng mataas na halaga ng kuryente.

Bagaman may scientific basis aniya ang mga survey, ang resulta nito ay depende pa rin sa kung ano ang tanong sa respondent at sa timing kung kalian ginawa ang survey./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...