Ayon kay Senator Panfilo Lacson, hindi labag sa batas ang paglalabas ng pondo para sa umento sa sweldo ng government workers.
Apela ni Lacson kay Budget Sec. Benjamin Diokno, ipatupad na ang salary increase dahil hindi ito unconstitutional.
Paliwanag ng Senador, may basehan ito sa batas at mayroong P99.446 bilyon sa ilalim ng Miscellaneous Personnel Benefits Fund.
Pahayag ito ni Lacson matapos sabihin ni Diokno na hindi agad maibigay ang dagdag sweldo ng uniformed personnel at mga guro dahil sa kabiguan ng Kongreso na maaprubahan ang panukalang 2019 budget.
Una nang sinabi ni Minority Leader Franklin Drilon na hindi dapat i-hostage ang umento dahil pwede pa ring ipatupad ang ika-4 na salary adjustment dahil may available na pondo.
Sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III na kung may delay ay dapat 1 buwan lamang dahil sa pagbabalik sesyon ng Kongreso ay maipapasa na ang national budget at sa January 27 ay mararatipikahan na ito ng Senado at Kamara para mapirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.